Ang papel na ito ay isang diskurso tungkol sa sinkretismo at identidad ng mga Tsinoy sa Batangas. Mahalaga ang identidad o kaakuhan upang maiangat ang sarili at ang bansa. Sa ganitong kalagayan, ang Pilipino ay patuloy na naghahanap sa kanyang identidad dahil sa kanyang historikal na prosesong pinagdaanan na nagdulot ng iba’t ibang saray na kultura. Gayumpaman ay may mga likhang sadyang nagpapatingkad sa kabuuan ng kaakuhan na hindi natin namamalayan na pati ang dayuhang Tsino na piniling manirahan sa Pilipinas ay humantong sa pag-ako na sila rin ay mga Pilipino Naging hamon sa alin mang dayuhan sa ano mang panig ng mundo na panatilihin ang kanilang etnisidad sa kabila ng akulturasyon at asimilasyon na maaaring maranasan sa kanilang pamamalagi sa bansang pinili nilang manirahan. Hindi ito iba sa naging karanasan ng mga Tsinoy. Sinikap ng papel na ito na dalumatin ang ginampanan ng sinkretismo sa paniniwala ng mga Tsinoy at paano ito naging daan upang mapatingkad ang identidad ng mga Tsinoy. Ang sinkretismo ng mga Tsinoy sa Batangas ay itinuturing na naiiba sa ibang bahagi ng Pilipinas dahil sa paniniwala sa Birhen ng Caysasay bilang si Mama Ma-Cho. Malaki ang gampanin ng pananampalataya sa pagbuo ng kaakuhan ng mga Tsinoy at kung paano ang kanilang pag-aangkop ay naging paraan upang maging bahagi sila ng isang lipunang hindi madali silang natanggap. Ang sinkretismo ng Birhen ng Caysasay bilang diyosang si Ma-Cho ng mga Batangueñong Tsinoy ay isang halimbawa ng identidad na maaaring mabuo at akuin bilang “kanila” at maghihiwalay sa identidad ng iba.