Ang mga Subanen ay isa sa mga etnikong pangkat na naninirahan sa Zamboanga Peninsula. Isinagawa ang pag-aaral upang malaman ang linggwistikong pagkakaiba sa wikang Subanen na ginagamit sa Lapuyan, Zamboanga del Sur at sa Sindangan, Zamboanga del Norte. Kinalap ang mga katawagang kultural sa siklo ng buhay, pangkabuhayan at pananampalataya sa pamamagitan ng pamamaraang indehinus nina Santiago at Enriquez. Sinuri ang mga ito gamit ang kwalitatibo, kwantitatibo at deskriptibong pamamaraan. Sa huli, natuklasan na ang dalawang dayalek na Subanen ay may varyasyon sa leksikon, morpolohiya at ponolohiya.