Nakatuon ang papel sa pasubo, isang ritwal na pangunahing bahagi ng pista ng Pateros. Gamit
ang pamamaraang etnograpiko, nangalap ng datos upang suriin ang ritwal bilang batayan
ng mayamang kalinangang bayan. Batay sa lapit na historikal, tatalakayin ng pag-aaral
ang ugat ng pasubo bilang panata ng mga magbabalut kay Santa Marta na sa pagdaloy
ng panahon ay nagkaroon ng iba’t ibang anyo at kahulugang kultural. Sa pagsusuri sa ritwal bilang pagwiwika, nagpapahiwatig ito ng paraan ng pagkontrol sa pagkilos upang isabuhay at ilapat ang mga tungkuling panlipunan. Dahil dito, nagkakaroon ng ugnayan ng mga
mamamayang taal (kaugnay ng pagbabalut) at di-taal (dayo at nais sumaksi sa pasubo) na
taga-Pateros. Sa huli, inilatag ng pag-aaral ang paglahok sa pasubo bilang “pagbabalik,”
“pagtatagpo,” at “pasasalamat” na bunga ng maigting at organikong ugnayan ng tao sa
kapaligiran at isang produkto ng talastasang bayan.