Discipline: History
TATLONG madugong insidente noong 1971 ang naghasik ng sindak sa sambayanan. Una, ang mabagsik na pagsupil sa demonstrasyon ng mga manggagawa at estudyante noong Mayo Uno na humantong sa kamatayan ng 3 demonstrador at pagkasugat nang malubha sa may labingwalo pagkaraang paputukan sila mula sa ikalawang palapag ng Kongreso at isang helikopter na nagbuga ng mga bala ng masinggan. Ang ikalawa ay ang paghahagis ng granada sa mga lider ng Partido Liberal na may miting de avance sa Plaza Miranda noong ika-21 ng Agosto. Ikatlo ang madugong pagtatanggol ni Mayor Macario. Asistio, Sr. sa kanyang "teritoryong" kung tawagin ay Kalookan noong una at ikalimang araw ng Oktubre laban sa mga kabataang demonstrador.