Discipline: Philosophy
SI LAO TZU, tulad ng mga ibang dakilang guro ng sandaigdigan, gaya nina Hesus, Mahavira, Mohammed, Zoroaster at Buddha, ay isang taong maalamat ang buhay. Siya'y isinilang diumano ng isang birhen pagkatapos ng pagdadalantao sa kanya sa loob ng animnapu't dalawang taon. Kaya nang siya'y ipanganak ay maputi na ang kanyang buhok at mahaba na ang balbas. Hindi nga nakapagtataka na sapul-mula'y baliwag na ang kanyang paghahaka at kahanga-hanga na ang kanyang mga simulain at mga pangangaral sa buhay. Ito ang dahilan kung bakit ang bansag sa kanya'y "Lao Tzu" na nangangahulugang "Tandang Guro," o "Tandang Marunong o Matalino.''1 At dahil din sa kakaibang kalaliman ng ilang sangkap ng kanyang pamimilosopiya, maraming dalub-aral ang nagsasabing siya'y isang "henyo ng kabalintunaan" (genius of paradox).2