Discipline: History, Philippine History, Wika
TINANGGAP KO ANG tungkuling ito upang tukuyin ang isang makabuluhang katotohanan sa kasaysayan ng pakikibaka tungo sa kalayaan ng Pilipinas at upang iugnay ito sa buhay at kaisipan ni Dr. jose Rizal. Kung mapapansin ninyo, magkaiba ng wika ang panitikan ng lipunang pinagbuhatan at pinag-aralan ng ating mga filibusterong Propagandista at mga sedisyosong Katipunero. Magkaiba ang kanilang wika sapagkat, at lalo, magkaiba ang kanilang pulitika.
Kung ipahihintulot ninyo, lalagumin ko ang pangyayaring ito sa ganitong pangungusap. Espanyol, at Ingles pagkatapos, ang wika ng ating nasyonalismo. Tagalog naman ang wika ng ating kalayaan. Maaaring ipahayag ninuman at lalo na ng mga edukado ang kanilang pag-ibig sa bayan sa pamamagitan ng wikang dayuhan. Ngunit sa wikang katutubo lamang maaaring magkabisa nang ganap at pangmadla ang sigaw ng paglaya.