Ipinagbubuntis ng wika ng telebisyon ang wikang Filipino. Dalawang tanong ang nagpatigas ng tiyan ko na noon ay may walong buwang beybi nang naisip ko ang nasabing tesis. Ang unang tanong: anong “k” o karapatan ng wika ng telebisyon na ipagbuntis ang wikang Filipino? At pangalawa tanong: ano naman kaya ang itsura o klase ng wikang ito? Sa pagsagot ng unang tanong, naisip ko ang gasgas na linyang sagot na: “May ‘k’ ang TV kasi makapangyarihang midyum ito.”