Discipline: Psychology, Social Science, Health
Ang sikolohiyang pangkalusugan ay isang larangan ng sikolohiya na tumutukoy sa mga kaugalian, paniniwala at gawaing may kinalaman sa pagkakasakit at kalusugan (Taylor, 1991). Ang layunin ng larangang ito ay ang makatulong sa pagpapalaganap ng kalusugan at pag-iwas at paglunas ng mga sakit sa pamamagitan ng mga konsepto at teorya sa disiplina ng sikolohiya. Binibigyang diin sa larangang ito ang interaksyon ng mga sosyo-sikolohikal at pisikal na salik na may kinalaman sa kalusugan at pagkakasakit. Ang bayosikolohiya naman ay isa pang larangan ng sikolohiya kung saan tinutukoy ang mga bayolohikal na batayan ng pagkilos at pag-iisip (Pinel, 1993). Sa pamamagitan ng modelo ng bayosikolohiya, binubuwag ang tradisyonal na dikitomiya ng pisikal o pangangatawan at mental o ispiritwal. Ang mga nilalaman ng papel na ito ay sumasailalaim sa mga larangang nabanggit. Tutukuyin ang mga manipestasyon sa pagkilos at pag-iisip ng sakit na tipus na kadalasan ay mga pisikal na aspeto lamang ang binibigyan ng pansin o diin. Ang tipus ay isang halimbawa ng sakit kung saan ang mga dalubhasa sa agham panlipunan at sa medisina ay kinakailangang magtulungang mapalawak ang kaalaman upang mapalaganap ang kalusugan.
All Comments (1)
Jeneby Simon
3 months ago
great