Ang pangingibang-bayan ay paglisan sa isang partikular na pook upang magpundar ng panibagong buhay na kaipala’y pagbabadya naman ng mga posibilidad ng pagkalimot sa naiwan at pagbura sa gunita ng mga pinagdaanan sa dating kinalakhan. Subalit kahima’t may ganitong mga alalahanin at pag-iisip, maaari ring ipanukala na hindi naman ito nangangahulugan ng radikal at kompletong pagtalikod sa pinagmulan. May mga guwang at siwang ng negosasyon sa pagtatanghal ng mga paggunita sa iniwang pook upang ihimaton ang afnidad at ugnayan ng umalis sa naiwan. Sa ganitong kalagayan maaaring tingnan ang danas ng mga Maubaning naninirahan sa Amerika. Kagaya ng maraming Filipinong pinili ang Amerika bilang kanilang bagong tirahan, hindi rin naman nila kagyat na iwinaksi na ang ugnayan sa kanilang bayan. Makikita ito sa kanilang mga pagtitipon katulad ng komemorasyon ng town festa kung saan ang kanilang ugnayan sa Mauban ay pinadadaloy sa lasap at tikim ng pagkaing Maubanin at paggamit ng mga salitang sa Mauban lamang ginagamit. Ipinakikita ng ganitong mga gawain ang rubdob ng kanilang patuloy na ugnayan sa iniwang pook bagama’t ang paggunitang ginagawa’y maaari rin namang maghimaton ng mas masalimuot na unawa at pagbubuo sa konsepto ng pook, ng Mauban, ng pagiging Maubanin, sa panahon ng globalisasyon.