Kung sisipatin sa mapa ng Filipinas, pahabang parang espada ang hugis ng Lalawigan ng Quezon. Humahangga
ito sa Lalawigan ng Aurora (na dating bahagi ng lumang Lalawigan ng Tayabas) sa hilaga at Camarines Sur at Norte sa
timog. Ang lalawigan ng Quezon marahil ang may pinakamalaking parte ng Dagat Pasipiko sa lahat ng lalawigan sa bansa. Mula rito, mahihinuha na ang Pasipikong tinutukoy ni Rizal sa El Filibusterismo ay dili iba’t ang lumang lalawigan ng Tayabas dahil sa lawak ng hanggahan nito sa Pasipiko at sa proksimidad nito sa Maynila at Lawa ng Laguna. Dahil ito ang bayang kumupkop sa dalawang itinatanging tauhan ng nobela: sina Isagani at Padre Florentino, panimulang sisilipin ng mananaliksik ang ilang pahiwatig ukol sa kung saan ang bayang ito sa kasalukuyang panahon. Kung magkagayon, sinasapantaha ng mananaliksik na malaki ang maitutulong ng panimulang pag-aaral at imbestigasyong ito sa pag-unawa at higit na pagtanggap ng guro at ng kaniyang mag-aaral sa lumang lalawigan ng Tayabas sa mga akda ni Rizal at sa panitikan at kasaysayan sa kabuuan.