Tinatalakay sa papel na ito ang kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa pagpapakamatay/pagpapatiwakal. Malimit na ibinibilang ang pagpapatiwakal sa hindi katanggap-tanggap na pamamaraan ng kamatayan. Ang papel na ito ay pagbalik sa mga talâng historiko-kultural upang maunawaan at maipook ang pagpapatiwakal. Hahatiin sa tatlong bahagi ang palalahad: una, pagpapatiwakal sa konteksto ng mga paniniwalang Pilipino kaugnay ng kamatayan: ikalawa, mga salaysay hinggil sa pagpapatiwakal mula sa kaalamang-bayan (folklore) ng iba’t ibang grupong pangkalinangan sa bansa; at ikatlo, pagpapatiwakal bilang kasalanan at krimen sa konteksto ng pananampalataya at batas. Inaasahang sa pamamagitan ng paglalahad na ito, makapagbabalangkas ng mga malay-sa-kultura at malay-sa-kasaysayang interbensiyon sa tumataas na ngayong bilang ng kaso ng mga pagpapakamatay.