Bahagi ng kasaysayan ng pag-unlad ng pananalambuhay ang pagbabago sa mga pananaw at pamamaraan ng pananalaysay sa mga indibidwal na buhay. Sa Pilipinas, dumaan ang kasaysayan ng pananalambuhay sa mahaba at masalimuot na ebolusyong historiograpikal bunga ng imposisyong kolonyal at kontra-tugon ng postkolonyalismo. Ang artikulong ito, bilang introduksyon ng kasalukuyang isyu ng SALIKSIK E-Journal, ay tumalakay sa nasabing ebolusyon ng pananalambuhay sa bansa. Partikular na binigyang-diin sa kurso ng mga pagbabagong ito ang pagsibol, pagyabong, at paglaganap ng Bagong Kasaysayan—paaralang pangkaisipan patuloy na nagsusulong sa paghulagpos ng bayan mula sa mga nangingibabaw na tradisyong intelektwal bunga ng kolonyalismo. Bahagi ng kaisipang ito ang mapagpalayang pananaw at pamamaraan ng Kasaysayang Buhay na humamon at patuloy na bumabasag sa mga tradisyong kolonyal sa pananalambuhay sa bansa. Sa pamamagitan ng pagsasakasaysayang buhay, kinikilala’t binibigyang-puwang sa mga salaysay ang mga indibidwal na buhay na karaniwang isinasantabi ng eksklusibistang dulog at punto-de-bista ng kolonyal na pananalambuhay. Tinitiyak din sa pagsasalaysay na ang buhay ng indibidwal ay laging nakaugat sa konteksto ng kanyang lipunan at panahon.