HomeSaliksik E-Journaltomo 5 bilang 2 (2016)

Pambansang Siyentista para sa Pagpapalahi ng Halaman: Talambuhay ni Dioscoro L. Umali (1917-1992)

Janet S. Reguindin-estella

 

Abstrak:

Sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños (UPLB), kilala ang pangalang “DL Umali” dahil sa DL Umali Hall kung saan isinasagawa ang pinakamalalaking gawain at pagtatanghal sa unibersidad.  Sa tapat nito ay isang parkeng may opisyal na pangalan na DL Umali Freedom Park.  Sa International Rice Research Institute (IRRI) ay may laboratoryong tinatawag ding DL Umali Laboratory. Dagdag pa rito ang DL Umali Auditorium sa gusali ng Southeast Asia Regional Study for Graduate and Research in Agriculture (SEARCA).  Mahalaga ang mensaheng ipinaparating ng mga pagpapangalang ito ng mga nasabing institusyon at bulwagan.  Maaari itong tingnan bilang pagkilala sa natatanging ambag ng isang DL Umali na siyang nais suriin ng papel na ito.  Isang Pambansang Siyentista sa larangan ng Pagpapalahi ng Halaman (Plant Breeding), si Dr. Dioscoro Lopez Umali ay isang iskolar, mananaliksik, guro, lider, at magsasakang nakilala dahil sa kanyang kontribusyon sa sektor ng agrikultura.  Gayumpaman, hindi lahat ay nakababatid sa mga naging ambag ng isang DL Umali lalo na sa larangan ng edukasyong agrikultural at maging sa pagsasarili ng UPLB mula sa pagiging isang kolehiyo lamang ng nasabing instistusyon.  Layunin ng pag-aaral na ito na ilahad ang talambuhay ni DL Umali (1917-1992) at ang kanyang mga naging ambag sa sektor ng agrikultura sa iba’t ibang paraan na naging daan upang kilalanin siya bilang Pambansang Siyentista noong 1986 ng dating Pangulong Corazon C. Aquino.  Gayundin, may ilan nang nailathalang artikulo tungkol kay DL Umali ngunit lahat ay nasa wikang Ingles.  Kung kaya’t pangunahing ambag ng papel na ito ang mailahad at masuri ang buhay ng isang DL Umali sa wikang Filipino.