Bayani kung ituring ng maraming mamamayan ng Antique si Evelio B. Javier, ang lider ng pakikibaka sa lalawigan sa panahon ng Batas Militar. Sa pag-aaral na ito, tatalakayin ang mahahalagang yugto at konteksto ng buhay ni Evelio simula nang isinilang siya noong Oktubre 14, 1942 hanggang sa kanyang malagim na kamatayan noong Pebrero 11, 1986. Masasabing maiksi lamang ang kanyang buhay, ngunit hindi ito naging hadlang upang makagawa siya ng mga makabuluhang proyekto at makapagbigay ng pag-asa sa kanyang mga nasasakupan. Lumaki at namulat si Evelio sa panahon kung kailan naharap ang lalawigan ng Antique sa mga hamon tulad ng kagutuman, kahirapan, kawalan ng pag-asa, at maging kawalan ng karapatan partikular sa panahon ng Batas Militar. Naghubog sa kanya ang mga kaganapang ito upang mag-isip, manindigan, at mangarap para sa ikakabuti ng lalawigan. Kanyang napatunayan ito sa pamamagitan ng paglatag ng mga programang may layuning iangat ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan at turuan ang mga ito upang tumaas ang tingin sa kanilang sarili. Magtatapos ang saklaw ng pananaliksik na ito sa brutal na pagpatay kay Evelio sa bayan ng San Jose, Antique noong Pebrero 11, 1986. Hindi maikakailang nakatulong ang kanyang kamatayan sa paglakas ng panawagan laban sa diktadurang nagresulta sa Rebolusyong Edsa noong 1986. Gayumpaman, sa kabila ng kanyang kamatayan, nanatiling buhay ang kanyang alaala at nagsisilbi itong inspirasyon sa kamalayan ng mga mamamayan sa lalawigan at maging sa buong bayan. Umaasa ang may-akdang sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, mas magiging malinaw ang papel si Evelio hindi lamang sa panlalawigang kasaysayan kundi maging sa pambansang kasaysayan. Dagdag pa rito, inaasahang mananatiling buhay sa kaisipan at kamalayan ng mga mamamayan ang mga prinsipyo at ideyalismong ipinaglaban ni Evelio.