Simula pa dekada 50 ay sumasahimpapawid na sa telebisyon ang mga variety-game show sa bansa at ang pagsubaybay rito ay naasimila na ng mga Pilipino bilang bahagi ng kultura. Mamamalas sa pagbubuo ng genre na ito ang tinatawag na espektakulong hatid ng midya sa anyo bilang isang panoorin o palabas na enggrande bukod pa ang nakagawiang pagtatanghal ng kahirapan ng mga lumalahok dito kapalit ang pagkakataong manalo ng salapi. Gamit ang tekstuwal na pagsusuring nakakonteksto sa pagbasa ng telebiswal na kultura, binalangkas ang nilalaman ng pinakamatagal na variety-game show sa telebisyon, ang Eat Bulaga! ayon sa mga katangiang laro-ritwal, sugal, at teleserye na matatagpuan dito. Natunghayang ang mga elementong bumubuo sa motif ng programa ay nagbibigay-daan sa pag-uugnay nito sa iba pang uri ng palabas bilang tekstong maaring suriin at bigyang kahulugan. Sa pag-aangkop ng palabas ng mga katangian ng isang laro, mahihinuhang ang Eat Bulaga! ay naglalaman ng pagkukunwari, pagkintal ng panlipunang ugali/pananaw, at pagriritwal na matatagpuan sa ibang anyong may ugnay rito gaya ng teleserye at sugal. Gayundin, ang mga ideolohiya ng kapitalismo, patriyarka, pantasya, at aliw ay mga natunghayang salalayan na nagbibigay-hugis at anyo sa mukha ng palabas sa pagdaan ng panahon.