HomeSaliksik E-Journaltomo 6 bilang 1 (2017)

Araling Etniko sa Wikang Filipino: Pagpapaibayo ng Pilipinolohiya/Araling Pilipino

Mary Jane B. Rodriguez-tatel

 

Abstrak:

Pinag-iibayo ng Araling Etniko sa wikang Filipino ang diskurso ng “sariling pagtatakda” na ibinabantayog ng Pilipinolohiya/Araling Pilipino (AP).  Ipinag-iiba sa Ethnic Studies ng tradisyong Europeo-Anglo-Amerikano, higit na pinahahalagahan sa Araling Etniko ang masisiglang talaban:  una, sa pagitan ng mga bahaging kalinangang etniko at kabuuang kabihasnang pambansa; at ikalawa, sa pagitan ng tradisyon ng kapantasan at pambansang wika.  Pagkakaugat at pagkakaugnay-ugnay ang diwang bumabalangkas sa mga nasabing talaban.  Mula sa perspektiba ng pagsasabansa, tinitingnang makabuluhan ang mga grupong etniko/etnolinggwistiko o “bayan” bilang mga ugat ng nililinang na pambansang diskursong pangkabihasnan.  Higit na nagiging makatuturan ang mga bahaging ito kung napag-uugnay-ugnay sa bisa ng iisang wikang komon sa lahat.  Kung kaya, sa unang isyu ng ika-anim na tomo ng SALIKSIK E-Journal, matutunghayan sa mga itinampok na exemplar (tesis at disertasyon) at mga iniambag na akda kung paano bumubuo ng isang pambansang tradisyon ng kapantasan tungkol sa kalinangan, kamalayan, at kasaysayan ng mga grupong etnolinggwistiko gamit ang wikang Filipino, gayundin naman, kung paano pinauunlad ng iba’t ibang kaalamang etniko/bayan ang wikang ito.  Sa pamamagitan ng Filipino bilang daluyan at Pilipinolohiya/AP bilang kabuuang larangan at paradaym, tumatawid ang mga aralin at pag-aakda mula sa paggigiit ng iba’t ibang kakanyahang etniko o “pagkabayan”  patungong magkakaugnay na mga kakanyahan sa balangkas ng “pagkabansa.”