Sa kasalukuyan, nananatiling nasa gilid o laylayan ng lipunan ang mga Pilipinong Negritong matatagpuan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Marami ang walang alam sa masalimuot nilang kasaysayang nakaapekto at nakapagpabago sa pamumuhay sa antas pambansa. Malaki ang papel ng perspektibo at pagkakaguhit ng kanilang imahen ng mga manunulat na di-Negrito sa kanilang kasaysayan sa pangkalahatan. Hindi man maihahanay sa mayoryang grupong etniko ang mga Negrito sa ngayon sa ilang aspekto (pampolitika, pangkabuhayan, at iba pa), ang pagbabalik-tanaw at pagsusuri sa pambansang digmaang sinuong ng bayan laban sa naging among kolonyal na Amerikano ay naglagay sa kanila sa mga ulat at akdang etnograpiko, sa gitna ng mga kartung politikal (political cartoon) at karikatura, at mga kuhang litrato ng mga banyagang potograpo. Layunin ng pag-aaral na itong ipresenta at talakayin ang nabuong imahen ng mga Negrito at perspektibo sa kanila ng mga Amerikanong may kubling motibo sa paglikha ng kanilang representasyon sa kapwa mga nakasulat at biswal na batis sa giyera. Tatangkaing sagutin ang mga katanungang: Bakit nagkaroon ng interes ang mga Amerikano na isulat, iguhit, at kunan ng litrato ang mga Negrito? Ano ang mayroon sa huli at nakuha ang atensyon ng una? Magpopokus ang pananaliksik na ito sa mga Negrito sa konteksto ng politikang kultural (cultural politics) ng representasyon ng mga Negrito sa panahon ng giyera. Gagamitin sa papel na ito ang aktwal na saklaw ng panahon ng Digmaang Pilipino Amerikano—mula 1899 hanggang 1913.