HomeSaliksik E-Journaltomo 6 bilang 1 (2017)

Ang Sining Ng Panubok Bilang Pagkakakilanlan Ng Pangkat-Etnikong Panay Bukidnon Sa Kanlurang Kabisayaan*

Randy M. Madrid

 

Abstrak:

Pangunahing layunin ng artikulong ito ang makapaglatag ng makabuluhan at makahulugang pagtalakay sa kahalagahan ng katutubong sining bilang kongkretong representasyon ng kasaysayan at kalinangan ng mga Panay Bukidnon ng Kanlurang Kabisayaan. Nakatuon ito sa panubok (katutubong sining ng pagbuburda) bilang isang imaheng biswal na nakaugnay sa mas malawak na kalikhaang materyal at kung paano sinasalamin nito ang interaksyon ng mga mamamayan sa kanilang kapaligiran na nagbibigay ng natatanging pagkakakilanlan. Magiging dulog at lapit ng pag-aaral ang paglalapat ng mga impormasyong pangkasaysayan at pangkalinangan upang maihain ang naratibong magbibigay-buhay sa ugnayan ng kalikhaang materyal sa kabuluhan at kahulugan nito sa daloy ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga katutubo. Magsisilbing kapamaraanan ang paggamit ng etnograpiya bilang epektibong lente upang saklawin ang diskurso at diskusyon ng kalinangang bundok na malayang naipapahayag sa sining ng panubok.