Tungo sa pag-aambag sa mga larangan ng kasaysayang etniko, etnokasaysayan, at Araling Pangkapaligiran, nilalayon ng akdang itong maitala at mapag-aralan ang tatlong uri ng kasanayan sa katutubong medisina at pamamaraan ng panggagamot ng mga Pala’wan sa bayan ng Brooke’s Point at Bataraza, Palawan. Ang tatlong pamamaraan ng panggagamot ay ang tawar, baklat, at parimanes. Ilalahad dito ang mga hakbang kaugnay ng mga natukoy na uri ng panggagamot ayon sa nakaugaliang gawi at pamamaraan ng mga Pala’wan kasabay na rin ng pinagmulan o pinanggalingan ng kanilang kalinangan. Bibigyang-pansin din sa pag-aaral na ito ang pilosopiyang isinasabuhay ng mga Pala’wan na may direktang epekto sa kanilang kaalaman sa katutubong panggagamot; ang mga paniniwalang nakakabit sa pamamaraan ng panggagamot batay sa kanilang kapaligiran o mga kaalamang naipasa ng kanilang mga ninuno; at kung paano kinakabaka ng mga Pala’wan ang pagpasok at impluwensya ng modernong medisina kasabay ng pagpapanatili ng kanilang tradisyon sa katutubong panggagamot sa kanilang komunidad.