Pormal na pumasok ang kilusang komunista sa Kalinga noong 1976 sa kasagsagan ng agresyong pangkaunlaran ng pamahalaan sa kahabaan ng ilog Chico. Apat na dambuhalang saplad pang-enerhiya ang tinangkang itayo ng diktadurang Ferdinand Marcos sa lugar ng mga Kalinga at Bontok. Sa harap ng marahas na militarisasyon at agresibong implementasyon ng proyekto, tinanggap ng katutubong oposisyon ang alok na armadong suporta ng New People’s Army (NPA). Tampok sa pagsasanib-puwersang ito ang pagtatagpo ng mga sosyokultural at sosyopolitikal na sistema ng taumbayan at ng mga bagong saltang rebolusyonaryo. Niyakap at umangkop ang mga komunista sa maraming katutubong tradisyon ng mga Kalinga. Tinanggap at isinakatutubo naman ng taumbayan, sa kabilang dako, ang marami sa dala-dalang bagong kaisipan ng NPA. Tumayong mahusay na daluyan sa tumbasang pagtatalaban ng loob (pamayanang katutubo) at labas (kilusang komunista) ang mga katutubong awit ng taumbayan. Bagama’t “di-tradisyunal” na batis kung ituring, gagamitin ang mga awiting ito bilang mahahalagang tekstong historikal sa pagpapalitaw at pagtalakay sa naganap na balikang proseso ng pag-angkop at pagsasakatutubo/pag-angkin. Bibigyang-diin din sa akdang ito ang kahalagahang historiograpikal ng mga awit bilang lehitimong batis pangkasaysayan.