Panubliong bahandi ang mapanaklaw na susing konseptong tumutukoy sa tatlong larangang pamanang yaman ng pangkat-etnikong Bisaya sa Rehiyon VI (Kanlurang Kabisayaan)—(a) pagkabutang (pagmamay-ari at kayamanan), (b) surundon (paniniwala at pananagutan), at (c) pamatasan (halagahin at kaasalan).
Sa bisa ng katagang-ugat na subli, pinanindiganan sa pamamagitan ng papel na ito na hindi lamang mabubuksan ang taal at panloob na pakahulugan ukol sa binanggit na tatlong pamanang yaman ng mga Pilipino sa rehiyon ng Kabisayaan, kundi mapapalitaw higit sa lahat, ang kahulugan at halaga nito sa pag-aaral ng kalinangan at kasaysayan sa bahaging ito ng Pilipinas.
Nilalayon sa pamamagitan ng susing sanaysay na ito ang pagbibigay-halaga partikular sa kaayusan at kabuluhan ng mga pook-katubigan, kinalulugaran ng mga nabuong maritimong pag-uugnayan ng mga pamayanan, mga pangkaragatang kasangkapan para sa pampamayanan at panlipunang pag-uugnayan, diwa’t kamalayang hinubog ng karanasang nakaangkla sa daigdig ng katubigan, at naging papel nito sa paghabi ng panlipunan at pangkasaysayang penomena sa bansa.
Inaasahang masusulyapan sa sanaysay na ito ang ukol sa pamanang maritimong yaman ng mga pangkat-etnikong Bisaya sa Kanlurang Kabisayaan na magagamit hindi lamang para sa pagpapalawak ng perspektibang pangkasaysayan, kundi higit sa lahat, magpapalalim ng pangkasaysayang pagsisiyasat, at pagbibigay-laman sa praksis ng nililikhang pambansang