Jovert R. Balunsay | Susan M. Tindugan
Maituturing na yaman ng isang bayan ang mga akdang pampanitikang umiiral dito. Patula man o tuluyan, pasalita man o pasulat ang isang akda ay maituturing itong daluyan ng samot-saring kaalaman, kaugalian, pagpapahalaga, at kultura. Ang mga pasalitang tula ay isa lamang sa di-mabilang na yaman ng panitikan na dapat maisapapel upang matagumpay itong maipasa sa mga susunod na henerasyon. Pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ang paglilikom ng mga umiiral na oral na tula ng bayan ng Caramoran, Catanduanes. Sangkot sa pag-aaral na ito ang mga impormanteng may kabatiran sa pagbigkas ng tulang Catandunganon. Ang mga tula ay nakalap ng mananaliksik sa pamamagitan ng pagtiteyp ng mga ito mula sa mga impormante. Isa-isang dumaan sa transkripsiyon ang mga tula at nang maisapapel na ay sinuri ito ng mananaliksik. Tuon sa pagsusuri ang pagtukoy sa estruktura at tema ng 20 tula. Sangkot sa estruktural na pagsipat ang paglalarawan sa sukat at tugma ng mga tula habang ang paksa, pagpapahalaga, at aspektong kultural naman ang saklaw ng tematikong pagsipat. Batay sa resulta ng pagsusuri, ang mga piling pasalitang Caramoranon ay hindi gaanong sumusunod sa pagsusukat ng mga pantig subalit kadalasan silang gumagamit ng mga monorimang tugmaan. Monorima ang tugmaan kung ito ay may magkakahawig na tunog sa lahat ng taludtod. Lahat ng umiiral na pasalitang tulang Caramoranon ay nasa anyong tigsik, isang katutubong tulang Bikolnon na karaniwang binibigkas ng mga manginginom habang nasa umpukan. Tirigsikan ang tawag ng mga Caramoranon sa pagbigkas ng naturang uri ng tula. Sa pananaliksik na ito, ang mga bumibigkas ng tigsik sa nabanggit na mga pamayanan ay pawang matatandang babae at lalaki. Wala itong tiyak na haba o bilang ng saknong sa bawat pasalitang tula subalit karaniwang binibigkas ito gamit ang diyalektong Bikol-Caramoranon. Kadalasan ay binubuo ng apat na taludtod sa bawat saknong ang mga tigsik. Pangunahing paksa sa kanilang mga tigsik ang tungkol sa araw-araw at pangkaraniwang buhay ng mga tao sa kanayunan, ilang suliranin sa kanilang lugar, mga gawi ng mga pari at politiko, pagsasaka, pananampalataya, at pakikipagkapuwa. Hitik din sa pagpapahalaga at kultura ang mga pasalitang tulang Caramoranon. Marami sa mga tigsik ang nagtatampok sa pananampalatayang Caramoranon katulad ng pagsasagawa ng pabasa o pagkanta ng Pasyon tuwing Mahal na Araw pati na ang mabubuting kaugalian ng mga mamamayan sa nasabing lugar.