Voltaire Villanueva | Jazz Lendle Dy | Kaye-ann Oteyza
Kasabay ng pagpapatupad ng bagong kurikulum ang pagtatakda ng mga kahingiang kabilang sa ika-21 siglong kasanayan tulad ng kakayahang komunikatibo na pangunahing tuon sa mga mithiin ng kurikulum sa Filipino kasama ng paglinang sa kasanayang replektibo o mapanuring pag-iisip, at pagpapahalagang pampanitikan. Ang Pamantasang Normal ng Pilipinas, bilang Pambansang Sentro sa Edukasyong Pangguro sa bisa ng Batas Republika Blg. 9647, ay may pananagutan sa paglikha ng mga guro sa hinaharap na tutugon sa mga kahingian ng panibagong kalakaran ng edukasyon. Taglay ng nasabing pamantasan ang mga Program-Based Organizations tulad ng Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN) na naglulunsad ng mga suplemental na ko-kurikular na gawaing nakakawing sa kurikulum ng pamantasan subalit kasalukuyang dumaranas ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral na nakikisangkot sa mga gawaing inilulunsad nito. Mula rito, tatangkain ng pag-aaral na isa-isahin ang mga kompetensing nalilinang sa mga gawain ng nasabing kapisanan, suriin kung ang mga nasabing gawain ay integratibong lunsaran sa pagtatamo ng mga kasanayang pangwika sa labas ng silid-aralan, at bumuo ng talaan ng mga kompetensi sa ilalim ng mga makrong kasanayang pangwika na nalilinang sa mga gawain ng KADIPAN nang sa gayon ay makapag-ambag ng kamalayan sa mga magiging guro ng wika sa hinaharap sa mga pakinabang at ganansiya ng aktibong pakikilahok sa mga gawaing inilulunsad ng KADIPAN sa kanilang paglubog sa umiiral na sistema ng edukasyon sa hinaharap.