Sinisiyasat ng papel na ito ang transgresibong potensyal ng mga tulansangan o maiigsing tula at tugma na ginagamit ng mga bata sa kanilang paglalaro sa lansangan. Kalakhan ng mga tulansangan ay nakolekta sa pakikipanayam sa mga batang may gulang na anim hanggang 12 taon at nagmula sa sektor ng maralitang lungsod ng Quezon City. Ang mga nilalaman at tema ng mga tulansangan ay inaral batay sa pagsusuring moda ng produksyon. Sa partikular, ipinakikita sa pag-aaral kung paanong ang mga tulansangan ay naging paraan ng interpretasyon at kritika ng politika, ekonomiya at kultura ng Pilipinas mula sa punto de bista ng isang mardyinalisadong sektor ng lipunan.