HomeAni: Letran Calamba Research Reportvol. 1 no. 1 (2011)

Ang Implikasyon ng Kahirapan sa Identidad at Saloobin ng mga Batang Kargador sa Crossing, Calamba

Jasmin L. Bathan | Joanna Lou A. Aguja | Airess R. Villaluz

Discipline: Psychology

 

Abstract:

Ang pag-aaral ay naglayong alamin kung ano ang implikasyon ng kahirapan sa identidad at saloobin ng mga piling batang kargador sa Crossing, Calamba, Laguna. Ito ay gumamit ng kwalitatibong pamamaraan kung saan purong mga salita lamang ang ginamit at hindi malalalim na istatistika. Case study ang espisipikong ginamit sa pag-aaral kung saan indibidwal na pakikipanayam, pampangkat na talakayang may pokus o FGD, at pagsulat sa journal ang naging metodolohiya sa pagkalap ng mga datos na kinakailangan.

 

Nabatid sa pag-aaral na ito na ang mga batang kargador ay mayroon positibong paningin sa sarili bilang isang bata ngunit nagiging negatibo kung titingnan nila ang sarili bilang isang batang kargador. Bata ang pagtingin nila sa sarili kapag edad ang pagbabatayan ngunit kung pagtatrabaho at mga gawain ang bibigyang-pansin, matanda ang pagtingin nila sa sarili. Nang dahil sa kahirapan, napilitang magtrabaho ang mga batang ito at nagtamo ng hindi matatag na pagtingin sa sarili. Malaking impluwensya ang kahirapan sa hindi pagbuo ng identidad ng mga batang kargador. Resulta nito, ang mga batang ito ay naging hirap sa pagbabahagi ng kanilang saloobin sa ibang tao dahil na rin sa bigat ng epekto nito sa kanila. Ang kanilang saloobin sa kahirapan, edukasyon, pagtatrabaho, at mithiin ang apat na aspetong pinakinggan at sinuri sapagkat ang mga ito ay may kinalaman sa kanilang kalagayan na maaaring magdikta sa saloobin nila. Sa kabilang banda, may positibong saloobin ang mga batang kargador sa edukasyon at mithiin habang negatibo para sa kahirapan at pagtatrabaho.