Pangkalahatang layunin ng pag-aaral na ito ang ilatag ang iba’t ibang kuwento ng buhay ng mga Firipina tsuma o asawang Pilipina na naging biktima ng pang-aabuso mula sa kamay ng kanilang mga napangawasang Hapon at sa lipunang kanilang kinabilangan. Ang iba’t ibang kuwentong ito ng kalungkutan at kabiguan ay patunay na hindi lamang isyung napapanahon ang pang-aabuso sa mga migranteng Pilipino, partikular na sa kababaihan, kundi isa itong pandaigdigang problemang walang pinipiling panahon at pagkakataon. Sa katunayan, magmula sa pagiging manggagawa hanggang pagiging maybahay, danas nila ang diskriminasyon, bangis, at dahas ng tao sa lipunang kanilang kinabilangan. Gamit ang penomenolohiya bilang disenyo ng pananaliksik at pakikipagkuwentuhan bilang pangunahing metodo sa pangangalap ng impormasyon, napagtagumpayan din ng pag-aaral na itong maisatitik ang boses ng kababaihang biktima ng kahirapan at patriyarkal na lipunan.