Nakatuon ang pag-aaral na ito sa halaga ng konsepto ng “lesbiyanang gunita” sa parehong mga lesbiyana at di-lesbiyanang indibidwal. Sinipat kung paano nakaaapekto ang mga imbak na alaala at napanatiling palagay/ideya hinggil sa mga lesbiyana sa paghubog ng kamalayan patungkol sa lesbiyanang kaakuhan at pag-iral, internal man o panlipunang antas. Kaugnay nito’y sinuri kung ano-ano ang mga karaniwang lesbiyanang gunitang umiiral sa kasalukuyan at maging sa nakaraan sa pamamagitan ng muling pagsipat sa kasaysayang panlipunan at kasaysayang pampanitikan. Nakita sa pag-aaral ang malaking kakulangan sa representasyon ng mga babaeng homoseksuwal sa parehong larangang nabanggit kung kaya naman iminumungkahi ang muling pagtatala ng mga ito nang may kamalayan sa mga usaping pangkasarian, partikular sa lesbiyanang pag-iral at karanasan.
Tinatangka ng artikulong ito na makibahagi sa tradisyon ng muling pagtatala ng kasaysayan (partikular sa kasaysayang pampanitikan) gamit ang mga naratibô o maikling kuwentong lesbiyana kung saan napakahalagang salik sa pagkatha ng mga naratibông ito ang pagsasakonteksto ng lesbiyanang pag-iral sa iba’t ibang espasyo, panahon, at pananaw.