Malinaw sa maraming kampeyon ng kasaysayang pasalita ang maigting na pagpuna sa namamayaning pagsasalaysay ng nakaraan mula sa pananaw ng mga dominanteng tinig na nakatala sa mga sinupan. Malinaw rin sa kanila na upang matamo ang katarungan, mahalagang palayain ang tinig sa gilid sa pamamagitan ng paggawad dito ng pagkilala sa mga pahina ng ating kasaysayan. Sa kabila nito, nanatili pa rin ang kaisipang nagpapahalaga sa katotohanan. Kapag nahaharap sa mga nagtutunggaling salaysay, humahanap ng ibang batis ang maraming historyador upang tasahin kung alin sa mga ito ang mga paliwanag na mas malapit sa katotohanan. Layon ng sanaysay na ito na lumahok sa talakayang ito. Ipopook nito sa magkakaibang ideolohiya ang magkakaibang salitang salaysay tungkol sa protestang pinangunahan ng Progressive Organization of Gays (PROGAY) at Metropolitan Community Church (MCC) noong 1994 na tinagurian ng iba na “unang” Pride March sa Pilipinas. Habang mayroong nagbabansag sa protestang ito na Pride, mayroon rin namang kritikal sa paggamit ng salitang Pride upang ilarawan ito. Sa halip na lumikha ng kahatulan batay sa pamantayan kung anong argumento ang may higit na katotohanan, susuriin ng papel na ito ang magkakaibang pag-unawa sa tinaguriang “unang” Pride sa pamamagitan ng paglalantad ng mga kinaroroonang ideolohiya ng magkakaibang pagtatasa sa Pride. Sa ganang ito, nanatiling tapat sa layunin ng panlipunang katarungan ang ihahaing pagsusuri.