Sa patuloy na pagyabong ng talakayan sa kasaysayan ng Pilipinas, nilalaanan na ng puwang sa kasaysayang pambansa ang mga dating naisasantabi. Sa pagnanais na palawakin ang kaalaman at pag-unawa sa pangkalahatang kasaysayang pambansa, kinakailangan nang maibilang ang kasaysayan ng mga naisantabi, katulad na lamang ng kasaysayang Moro, kasaysayang pangkababaihan, at iba pa—iyong mga nawala sa kasaysayang mainstream ng Pilipinas. Sa pagtugon sa isang ispesipikong grupong naisantabi, mahalagang magmula ang pagbabalik-tanaw sa panloob na perspektibo o pagtanggap sa mga dalumat na taal sa kanila. Mas mainam kung hindi padalus-dalos ang pagsulat at naipapaliwanag ang mga kuwentong batay sa mga banyaga, lalo na iyong mga may bias laban sa Islam.
Ang pagtanggap ng mga taga-Sulu sa Islam noong dantaon 14 ang bumago nang lubos sa kanilang buhay at paniniwala. Malaki ang impact ng pagiging Muslim dahil ito ang gabay nila sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Kaya hindi maiiwasang tingnan ang kasaysayang Moro mula sa lente ng paniniwalang Islam. Tulad na lamang sa diskurso ng kababaihan, kung babasahin ang naisantabing kasaysayan ng Moro, masasabing bihirang makikita ang naging papel ng kababaihang Moro. Ang pag-ungkat nito samakatwid ay isang pananaliksik ng naisantabi na bahagi rin ng kasaysayang naisantabi.
Kaya’t kung babalikan ang kasaysayang Moro, iisang babae ang makailang ulit na nabanggit—pahapyaw man o may negatibong konotasyon—si Inchi Jamila ng Sultanato ng Sulu. Tatalakayin sa papel na ito ang 1) katayuan ng kababaihan sa Islam bilang angkla ng pagdadalumat sa naging papel ni Inchi Jamila; 2) pakikipaglaban ng Moro sa mga Español bilang konteksto ng mga kaganapang ginagalawan niya; at 3) mga impormasyong maaaring magpalalim sa pag-unawa sa pagkatao, mga desisyon, at aksyon ng nag-iisang Inchi Jamila.