Katrina T Castillo | Eloisa P Rementilla | Darwin C Runguin
Layunin: Ang pananaliksik na ito ay gumamit ng qualitative approach upang malaman ang malinaw na kaugnayan ng mga konsepto ng dangal at puri. Metodo: 140 Pilipino na may edad 18 at pataas ang naging kalahok ng pag-aaral na ito. Ang 128 ay sumagot ng Thought Listing Questionnaire habang ang 12 naman ay sumailalim sa Ginabayang Talakayan. Ang audio recording ng ginabayang talakayan ay itinala at ginamitan ng tematikong pagsusuri. Lagom: Tatlong pangunahing tema ang umusbong para sa dangal, dalawa para sa puri at isang pangunahing tema para sa integrasyon ng dalawa. Sa dangal, napag-alamang malaki ang nagiging kontribusyon ng mga pamantayan sa lipunan habang ang sa puri naman ay kasarian na parehong hinubog ng kulturang kinagisnan sa Pilipinas. Bukod pa roon, ang pagkakaroon ng antas ng dangal, puri at dignidad ay lumitaw din. Puri ang tinukoy na nasa pinaka panlabas habang ang dignidad ang nasa pinaka-panloob. Ang dangal ay nagsisilbing tagapamagitan ng dalawang naunang konsepto. Parehong naaapektuhan ng panlabas na salik ang puri at dangal ngunit sa usapin ng dangal, nakasalalay pa rin sa tao kung paano niya ipoproseso ang pananaw ng ibang tao habang ang sa puri ay tuwirang kontrolado ng ibang tao. Ang dignidad ang lumabas na nasa pinakaloob ng isang indibidwal kung saan tanging ang sarili lamang ang maaaring makaapekto nito.