HomeDALUMAT E-Journaltomo 5 bilang 1 (2019)

DUTERTE: ANG PILIPINAS SA NAKALIPAS NA DALAWANG TAON

Christopher Bryan A Concha | Christian P Gopez | Eldrin Jan D Cabilin

 

Abstrak:

Gamit ang salitang Duterte, tinangka ng papel na ito na ilarawan ang estado ng Pilipinas sa nakalipas na dalawang taon ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo “Rody” Roa Duterte. Mula sa Duterte, nakabuo at/o binigyan ng bagong pakahulugan ng mga mananaliksik ang limang salita: ang Dutertenisasyon, Dutertards, Dutertarian, Dutertenomics, at Na-Duterte. Ginamit ang mga salitang ito bilang tuntungan sa pagtalakay ng mga progreso, isyu, katiwalian, at iba pang usaping nangibabaw sa bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ang Dutertenisasyon ang salitang naglalarawan sa proseso o serye ng mga pangyayaring naganap sa mga unang buwan ng panunungkulan ng Pangulo Duterte kabilang na ang paglulunsad ng Digmaan Kontra Droga. Ang Dutertards sa kabilang banda, ang pinaikling bersiyon ng Duterte retards na iniuugnay sa masusugid na tagasuporta ng Pangulo. Dutertarian naman ang salitang sumasaklaw sa paraan ng pamamahala ng Pangulo at ang pagsusulong niya ng Federalismong uri ng gobyerno. Pagdating naman sa usapin ng ekonomiya, Dutertenomics ang naging paglalarawan sa mga polisiyang pang-ekonomiya na isinakatuparan ng administrasyon, maging ang pananagasa ng TRAIN Law, at ang paglobo ng inflation rate sa bansa. Malalagom at maikakahon ang mga termino at pangyayaring kaakibat nito sa isang salita—Na-Duterte. Dalawang taon pa lamang nauupo bilang pinuno ng bansa si Pangulong Duterte ngunit ramdam na ng halos lahat ng mga Pilipino ang kaniyang administrasyon, sa positibo o negatibo mang paraan. Maraming pangyayari at isyung sumambulat hindi lamang sa bansa kung hindi maging sa buong daigdig. Sa gitna ng lahat ng ito, isa lamang ang malinaw—Na-Duterte na ang Pilipinas at patuloy na madu-Duterte sa susunod pang mga taon ng panunungkulan ng Pangulo.