Layunin ng papel na ito na ipakita ang Pilosopiya ng Edukasyon ni Emerita S. Quito na nakasandal sa Makabayang Pilosopiya tungo sa pagbabago ng lipunan. May dalawang yugto ang papel na ito. Ang una ay ang paglalathala ng kaniyang pilosopiya ng edukasyon na nahahati sa limang bahagi: a) teorya ng edukasyon, b) pagpapahalaga bilang pundasyon ng diwang Filipino, c) wika at edukasyon, d) kurikulum para sa edukasyong Filipino, at e) edukasyon at ang posibilidad ng bagong kultura at kamalayan. Samantálang ang ikalawang yugto ay pagsipat sa posibilidad ng pilosopiya ng edukasyong ito sa likod ng kasalukuyang diskurso at kalagayan ng bansa, ang Globalisasyon.