HomeMALAYvol. 31 no. 1 (2018)

Unawa – Mula Pag-iisa tungo sa Pakikiisa sa Kapwa: Ang Pag-iisip sa Panahon, Pag-asa, at Pagtanda

Roberto Jr E Javier

 

Abstract:

Tinatalakay sa papel ang pag-uugnay sa paglawak ng pang-unawa at ang pagtanda. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa wikang ibinubunga ng karanasan (kultura), tinuklas ang pagbubuo ng kognisyon ukol sa unawa mula sa pag-iisa patungo sa pakikiisa sa kapwa pati ang pag-iisip sa panahon, pag-asa, at pagtanda. Pinagtuunan ng pansin ang mga pagkakaugnay ng mga kaisipang buhat sa wika at karanasan. Hinagilap sa leksikon at semantika, pati sa mga salitang naghahayag ng dinaranasdinaramang daloy ng búhay (larangan ng karanasan), ang pagsisinop. Mula ang mga ito sa mga likha ng tao (binuong kultura bílang katibayan ng karanasan) tulad ng mga liriko sa popular na awit noong dekada otsenta ng nakalipas na dantaon, mga sinasabi dati pa, mga sinaunang salita, at sa paraan ng pagpapantig at pagbubuo sa wika. Iniugat, iniugnay-ugnay, at inisipan ng kahulugan at kabuluhan ang mga nakalap na salita’t sinasabi. Nalinang sa ganitong metodo ang paglalarawan sa paninibago’t pagbabago sa pagtanda na naisasakonteksto sa kultura at lipunan (hal. kapanahunan). Sa papel na ito, ang tinutukoy na ‘tumatanda’ sa tiyempo ngayon (oras) ay iyong lalabintaunin noong 1980’s at mga lilimampuin (edad 50+) na ngayon. Hindi lang may nagbabago (lalong gumugulang na katawan) kayâ naninibago, kundi may nag-iiba habang patuloy na dinaranas-dinarama sa daloy ng búhay. Ito ay ang paglawak ng unawa na kaugnay ng panahon at pag-asa. Gamit rin ang pamamaraang lingguwistika, siniyasat pa ang salitang unawa kung saan naiuugat ang kaluluwa (nawa, sinaunang salitang tulad ng deva, diwa, jiwa). Iisa ang batis ng pakahulugan sa laya, raya, at saya (haya-an, baya-an) pati ang ka-ayo at kaaya-aya (ayon, ayos) na lahat ay naiuugnay sa paglawak ng unawa. Nahihiwatigan na may pagsulong ng espiritwalidad na nakatuon sa kapwa mula sa pag-iisa tungo sa pakikiisa (sa Ingles, integration not individuation).