HomeMALAYvol. 31 no. 1 (2018)

An mga Siday han mga Samarnon ug Leytenhon: Identidad, Kasaysayan, Mga Isyu, at Kalagayan Nito sa Kasalukuyan

Ian Mark P Nibalvos

 

Abstract:

Ang artikulong ito ay isang pagdalumat sa identidad at kasaysayan ng mga siday o mga tulang Waray ng mga Samarnon at Leytenhon. Tinatalakay rin dito ang mga isyung may kaugnayan sa siday at ang kalagayan nito at ng panulaang Lineyte-Samarnon sa kasalukuyan. Naging matibay na batayan sa pag-aaral sa kasaysayan ng panitikang Lineyte-Samarnon o Waray ang mga talâ ng Heswitang pari na si Padre Ignacio Francisco Alzina na naidokumento sa kaniyang librong Historia de las Islas Indios de Bisayas…1668. Dito inilarawan ang pamumuhay, kaugalian, katangian, at tradisyon ng mga tao sa magkakambal na isla ng Samar at Leyte. Kabílang sa pinakamahalagang obserbasyon na kaniyang naitalâ sa kaniyang aklat ay ang kanilang panitikan, partikular ang kanilang panulaan o ang kanilang mga tula. Isang mahalagang isyu rin ang tinatalakay sa papel na ito tungkol sa paggamit ng salitang “Waray” bílang katawagan sa mga tao, wika, at panitikan ng mga Samareño at Leyteño. Iginiit ng ilang mga eksperto o kilalang mananaliksik sa panitikan at wika ng Silangang Bisayas na ang tunay at dapat na kilalaning katawagan ay “Lineyte-Samarnon” dahil ang salitang “Waray” ay isang masamang bansag lámang sa kanila. Inisa-isa sa artikulo ang mahahalagang yugto ng pag-usbong o pag-unlad ng panitikang Waray mula sa unang bahagi ng ikalabinsiyam na siglo o sa pagkakatatag ng Sanghiran San Binisaya (Akademya ng Wikang Bisaya) hanggang sa dekada singkuwenta na tinaguriang ginintuang panahon ng panitikang Lineyte-Samarnon, at ang pagbabalik-sigla nito sa pamamagitan ng radyo at mga gawaing may kaugnayan sa pagpapaunlad at pagpapahalaga sa mga siday sa kasalukuyan.