Umiinog ang papel sa pagsusuri sa mga Pinoy meme na kumakalat sa social media sa eleksiyon 2016. Binigyangtuon dito kung paano binubuo ang mga meme at mga isyung pampolitika sa likod ng mga ito. Gayundin, inalam kung papaano ginamit bÃlang kontra-gahum ang mga meme sa eleksiyon. Lumabas sa pagsusuri na ginamit bÃlang sisteng kontra-gahum ang mga meme sa eleksiyon sa paghahari ng mga kandidato. Nabuo ang mga meme sa isang carnivalesque na pamamaraan. Nalaman na may labintatlong (13) paraan ng pagbuo sa mga meme sa eleksiyon: paggamit ng kilaláng personalidad, paglikha ng bagong larawan, paggamit ng mahalagang pangyayari, paggamit ng pelikula/palabas, screenshot, paghahanay ng mga larawan, pagbuo ng salita sa tambalan at pagdaragdag ng salita sa pamamagitan ng diyalogo, salita sa orihinal na larawan, at direktang sipi sa mga larawan at popular na linya. Ang mga isyu sa likod ng mga meme na nasuri ay napatutungkol sa ugali ng kandidato, kuwalipikasyon para sa posisyon, paglalaban-laban ng mga kandidato, pagkapanalo para sa posisyon, integridad ng kandidato sa panunungkulan, mga iniuugnay sa kandidato, katatawanan, at pagsuporta sa kandidato. Lumitaw na ginagamit ang mga meme sa eleksiyon para sa panunuligsa, pagpapaalala sa mahahalagang pangyayari, propaganda, at katatawanan. Ang mga meme bÃlang kontra-gahum ay ipinakakalat ng lipunan dahil ito’y napapanahon para sa mensahe ng pagtutol, pagsang-ayon, at pagsulong ng kaisipan.