HomeMALAYvol. 31 no. 1 (2018)

Ang Polisiya ng Hukbong Kasundaluhan ng Estados Unidos Ukol sa Pagkilála sa Yunit ng mga Gerilya sa Pilipinas: Ang Kaso ng Lalawigan ng Tayabas, 1942- 1948

Gilbert E. Macarandang

 

Abstract:

Pagkatapos ng digmaan, binuo ang People’s Court upang litisin ang mga Pilipinong nakipagsabwatan at nakipagtulungan sa pamahalaang Hapones samantálang inatasan naman ng pamahalaang Amerikano ang Hukbong Kasundaluhan nito na bumalangkas ng polisiya para kilalánin ang yunit ng mga gerilya na nakipaglaban para sa liberasyon ng Pilipinas. Iginiit ng Estados Unidos ang pagbubuo ng People’s Court sa Pilipinas kapalit ng mga programa para sa rehabilitasyon samantálang inisyatiba naman nila na bigyan ng karampatang remunerasyon ang mga Pilipinong gerilya na nakipagtulungan sa kanilang puwersa para sa pakikipaglaban sa sundalong Hapones. Sinisiyasat sa pag-aaral na ito ang karanasan ng Lalawigan ng Tayabas sa yugto ng pagpapatupad ng polisiyang ito ng pagkilála sa yunit-gerilya sa Pilipinas. Kaugnay nito, tinatalakay sa pag-aaral ang iba’t ibang uri ng iregularidad na kinasasangkutan ng mga pinunong gerilya para sa kanilang paghahangad ng kapangyarihang politikal. Ipinapakita sa pag-aaral na hindi nagtagumpay ang mga pananamantala ng mga pinunong gerilya sa kasapi nito sapagkat nabuo sa Lalawigan ng Tayabas ang mga grupong nag-uulat sa Guerilla Affairs Division patungkol sa pagkakaroon ng mga pekeng gerilya. Bukod pa rito, pinapaksa sa artikulong ito ang hidwaang politikal ng mga pinunong gerilya na nag-ugat sa pagnanais na mapagkalooban ng pagkilála ng Philippines-Ryukyus Command.