Voltaire Villanueva | Marie Kristel B Corpin
Sa pagbabasá, isa sa mga suliranin ang kahabaan ng binabása ng mga mag-aaral. Ito ay nagdudulot ng kawalan ng interes at pag-ayaw nila sa nasabing gawain. Dahilan din ito kung bakit nababawasan ang pag-unawa o komprehensiyon ng mga mag-aaral sa tekstong binabása. Gayundin, nagiging sagabal ito sa pagpapaunlad ng kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbabasá. Nakita ng mga mananaliksik na ang kakayahan sa pag-uulo ng balita na malaki ang kaugnayan sa paglalagom ng teksto ay maaaring maging lunsaran sa pagbibigay ng diwa ng babasáhin kahit hindi pa ito nababása sa kabuoan ng mga mag-aaral. Matapos ang pangangalap at pagbibigay-interpretasyon sa mga datos, napatunayan ng pag-aaral na: 1. Ang pag-uulo ng balita at paglalagom ng tekstong binása ay dalawang magkaugnay na kasanayan sapagkat ang mga ito ay may magkakaparehong hakbang gaya ng pag-unawa sa teksto, pag-alam sa pangunahing kaisipan nito, paghihimay ng mga bahagi, pagtukoy sa malalaking bahagi na nagdadala ng kahulugan, at paghahanay ng kaisipan mula sa malaki papaliit; 2. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga napapanahong balita bÃlang lunsaran, higit na mapapaunlad ang kakayahan ng mga mag-aaral sa paglalagom ng tekstong binása at pagbibigay-pamagat nito; at 3. Magagamit ang kawilihan na idudulot ng pag-uugnay sa dalawang kasanayan na paglalagom ng teksto at pag-uulo ng balita upang higit na malinang ang kahusayan ng mga mag-aaral sa dalawang nabanggit na kasanayan.