Nilayon ng pag-aaral na ito na suriin ang leksikong kultural ng wikang Tagalog at wikang Sinugbuanon. Sinikap na sagutin ang sumusunod: (1) Alin sa mga salitang naitalâ sa wikang Tagalog at Sinugbuanong Binisaya ang may magkaparehong anyo? (2) Ano-ano ang tamang pagbigkas nito ayon sa ponolohikong estruktura ng mga salita? (3) Ano-ano ang kahulugan o rehistro ng mga ito sa bawat wikang pinagmulan nito? (4) Sa ano-anong bahagi ng pananalita ang mga salitang ito napabibÃlang? Pamaraang deskriptibo o palarawan na nilapatan ng pagsusuring estruktural ang ginamit sa pag-aaral na ito at sa pag-aanalisa sa rehistro ng mga salita, ginamit ang semantic signal na teknik na naaayon sa sosyolingguwistikong pagpapakahulugan nito at ang teorya ng semantic feld na paraan ng pagkilála ng kahulugan ng salita sa pagbibigay ng mga salita na nauugnay nito. Natuklasan na (1) maraming mga salita sa Tagalog at Sinugbuanon ang magkakapareho sa palatunugan at palabuuan. Ang pagkakatulad nito ang dahilan sa pagkakapareho ng mga ito sa paraan ng pagbigkas na mauuring malumay, mabilis, at maragsa. (2) Kahit magkakatulad ang mga salita sa baybay at bigkas ng Tagalog at Sinugbuanon, nagkakaiba pa rin ito sa kahulugan/rehistro buhat na rin sa heograpiko at sosyolingguwistikong dimensyon ng isang lugar. (3) Marami sa magkakatulad na salitang Tagalog at Sinugbuanon ang nagkaiba ang kinabibilangan at may mga iba na nanatili ang bahagi ng pananalita ng dalawang wika. Kahit may mga nananatiling magkapareho ng bahagi ng pananalita, hindi pa rin ito dahilan sa pagkakapareho ng kahulugan nito. Ang wika ay talagang nakabatay sa lugar kung saan ito nabubúhay at umiiral. Ang pagkakapareho ng mga salita sa Tagalog at Sinugbuanon ay palatandaan ng ugnayan ng mga wika sa Pilipinas buhat sa iisang angkang pinagmulan nito at ang pagkakaiba ng kahulugan nito ay buhat sa heograpiko at kultural na aspekto ng bawat lugar.