HomeMALAYvol. 31 no. 2 (2019)

Tinig Mula sa Ilang: Pag-uugat ng mga Praktis at Paniniwala ng Kilusang Propetikong Adbentista (KPA) sa Kalinangang Pilipino

Palmo R. Iya

 

Abstract:

Isang milinaryang samahan ang Kilusang Propetikong Adbentista (KPA) na lumabas sa Iglesyang Seventh Day Adventist (SDA) noong mga taong 1990 dahil sa paniniwalang tumalikod na ang madre iglesia na SDA sa mga pamantayan at mensahe na ipinagkaloob sa kaniya bilang “bayan ng Diyos.” Ibinenta ng mga kasapi ng KPA ang kanilang mga ari-arian, nilisan ang kanilang mga trabaho, pinatigil ang kanilang mga anak sa pag-aaral, at nanirahan sa mga kabundukan sa paniniwalang magwawakas na ang mundo at darating na ang inaasahang “Tagapagligtas” noong taong 2000-2002. Sa hindi pagkatupad ng pinaniniwalaang tagna o propesiya, nagkaroon ng re-interpretasyon ang grupo sa pag-aaral ng mga mensahe lalo na ang may kinalaman sa mga tagna. Nakabuo sila ng mga mensahe, paniniwala, at praktis na may pagkakaiba na sa kinagisnang doktrinang SDA at nang lumao’y tumuntong din sa lokal/katutubong paniniwala, praktis at kamalayan. Pangunahing layunin ng saliksik na ipakita ang pag-uugat ng mga praktis at paniniwala ng KPA sa kalinangang Pilipino partikular na sa kanilang bagong sistema ng pagsamba at pagpupuri sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng layuning ito, hindi lamang metodolohiyang pangkasaysayan ang ginamit kundi maging etnograpiko, penomenolohikal, at lingguwistikong pamamaraan para mahugot ang pag-uugat ng kilusan sa kalinangang Pilipino. Ipinakita ng pag-aaral na hindi lamang naganap/nagaganap ang pagsasakonteksto at pag-aangkop ng mga paniniwala sa loob ng Simbahang Katolika kundi naganap/nagaganap din ito sa loob mismo ng iba pang relihiyon o denominasyon gaya ng Iglesyang SDA. Nagpapatunay lamang ito na hindi maaaring ihiwalay ang relihiyon o paniniwala sa kasaysayan at kultura ng mga tao.