HomeMALAYvol. 31 no. 2 (2019)

Si Balagtas at ang Pagsasakatuparan ng “bayang natimaua” ng Rebolusyon ng 1896

Kevin P Armingol

 

Abstract:

Layunin ng papel na ito na igiit ang ugnayan ng naging popular noong ika-19 na siglong awit na Florante at Laura ng Bulakenyong makatang Francisco “Balagtas” Baltazar na nailathala noong 1834, sa pagrerebolusyon ng mga Pilipino noong 1896. Sa pamamagitan ng tekstuwal na pagsusuri, gagamitin ang mga piling dokumento ng Katipunan at ang kalakhang artikulong nalathala sa Kalayaan – ang una’t huling pahayagan ng Katipunan – na sinasabing nakaimpluwensiya sa pagmumulat at pagpapakilos ng humigit-kumulang 30,000 Pilipino sa gabi ng himagsikan. Mula rito, primaryang susuriin ang kahulugan at konteksto ng salitang “bayan” na ginamit sa buong awit at ang relasyon nito sa pahayagang Kalayaan at mga kaugnay na dokumento. Nais patunayan ng pag-aaral na ang “bayan” na tinutukoy sa piling mga dokumento ng Katipunan ay siyang bayan na hinalaw sa Florante at Laura. Sa madaling sabi, naniniwala ang pag-aaral na taglay ng Florante at Laura ang tumitindi at sumisidhing kolektibong lunggati at diwang makabayan ng mga Pilipino laban sa Kolonyalismong Espanyol na siyang nagsilbing inspirasyon ng mga Katipunero sa Rebolusyon ng 1896. Bukod sa awit na Florante at Laura, ang librong Light of Liberty Documents and Studies on the Katipunan, 1892-1897 ni Jim Richarson (2013) ay magsisilbing primaryang batis ng pag-aaral. Panghuli, hangad ng pag-aaral na ito na maiposisyon at higit na mabigyang-diin si Balagtas hindi lamang bilang hiyas ng Panulaang Tagalog kundi maging kabilang sa prominente at mahalagang indibidwal sa Kasaysayan ng Pilipinas