HomeMALAYvol. 31 no. 2 (2019)

Ang Mauban sa mga Eskalang Lokal, Nasyonal at Global: Sipat sa Kasalimuotan ng Pagbuo ng Pook

Nelson Turgo

 

Abstract:

Lagi’t lagi nating nakikita ang anomang pook kung saan tayo nananahan bilang lokal – yaong sisidlan ng mga personal na relasyon, mga pamilyar na gawain at bagay, kumbaga, yaong espasyong nagkakaloob ng mga ginhawa sa danas, malayo sa mga dahas at impersonal na ugnayang dulot ng atomisadong buhay katulad ng sa lungsod. Sa pagiging lokal ng isang pook, ipinapalagay din na tila ganito na sadya ito, hindi produkto ng maraming proseso ng mga ugnayan at tunggalian, ng mga puwersang panloob at panlabas. Sa kalakhan naman ng mga akademikong pag-aaral, sa usaping panteritoryalidad at heograpikal, ang lokal ay kinikilala bilang yaong malayo sa sentro, yaong hindi urbanisado – ang buhay sa probinsya, sa mga maliliit na komunidad, sa kabukiran, sa mga bayan. Subalit simplistiko ang ganitong mga pagpapalagay sapagkat itinatago nila ang mas komplikadong konstitusyon ng mga pook - ang mga daloy at puwersang humubog at naghuhubog dito. Kaya naman, dapat na lawakan ang pag-unawa sa kairalan ng pook sa pamamagitan ng pagsipat dito, sa kanyang hulagway, gamit ang mga eskalang lokal, nasyonal, at global – upang maipakitang ang inaakalang lokal na kalidad ng buhay ay tigib din pala sa ugnayan sa labas, lagpas sa kanyang teritoryal na hurisdiksyon. Ganito ang sipat na gagawin sa Mauban sa pamamagitan ng pagkatayo ng power plant, Maubanog Festival, ang isla ng Cagbalete, mga pinakamahalagang espasyong kultural at ekonomiya sa Mauban sa kasalukuyan – upang ipakita ang kasalimuotan ng Mauban bilang isang pook na patuloy na nililikha at binabago sa ating panahon.