Ang Bogwa o Bonewashing ay isa sa mayayamang anyo ng oral na tradisyon ng Ifugao. Karaniwang isinasagawa ang Namogwahan (katutubong tawag sa proseso ng Bogwa) sa tuwing nagpapakita ang mga magulang na yumao sa panaginip ng mga kapamilya, kapag nagkakasakit ang isang kamag-anak, humihingi ng basbas ang isang balo upang makapag-asawang muli, at para sa simpleng pag-alaala ng mag-anak sa yumaong mga magulang. Siniyasat ng mga mananaliksik ang proseso at pamamaraan ng Bogwa sa pamamagitan ng paglista sa mga pangunahing terminolohiyang pumapaloob sa tradisyon ayon sa metodo ng oral history. Lumabas sa resulta ang 13 susing salitang nauri sa kagamitan, at 14 na salita naman para sa proseso at tauhang nababanggit sa Bogwa. Nagsagawa rin ng pormal at impormal na pakikipanayam ang mga mananaliksik sa mga direktang nakasaksi, nakaranas, at nakapagsagawa ng Namogwahan upang mabigyan ng balidasyon ang mga salitang nakalap. Maliban dito, dinalumat din ang mga nailimbag at nailathalang artikulo at video hinggil sa Bogwa bilang bahagi ng pagpapayaman ng karunungan sa oral o di nahahawakang tradisyon. Tunay na mayaman sa awtentikong kultura ang Ifugao na nakapag-aambag sa pambansang kalinangan hinggil sa katangian ng kanilang lipunan at identidad.