Ang pananaliksik na ito ay tungkol sa katatayuan ng mga salitang Tayabasin at mga salik na nakakaapekto sa mga mag-aaral sa grado 7 sa kanilang paggamit bilang gabay sa pagbuo ng diksyunaryo. Ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay makalap ang demograpikong profayl ng mga tagasagot batay sa kanilang edad; kasarian; at libangan o interes. Nais din malaman ng mananaliksik ang mga salitang Tayabasin na ginagamit pa rin ng mga kabataan sa kanilang pakikipagkomunikasyon. Layunin din ng pananaliksik na ito na matukoy ang mga salik na nakakaapekto sa mga mag-aaral sa grado 7 sa kanilang paggamit ng mga salitang Tayabasin batay sa social media; mass media/ broadcast media; kapamilya; at kaibigan/kamag-aaral. Inalam din ng mananaliksik ang lebel ng pagtanggap ng mga guro sa diksyunaryong kinapapalooban ng mga salitang Tayabasin sa bayan ng Tayabas batay sa pagkakabuo; nilalaman; impak sa guro; at orihinalidad. Nilayon din ng pananaliksik na ito na makabuo ng isang diksyunaryo ng mga salitang Tayabasin bilang maging sanggunian ng mga guro, mag-aaral, taal na Tayabasin at mga hindi Tayabasin na magagamit nila sa kanilang pakikipagtalastasan at pagaaral. Nagkaroon ng pagtatanong at pakikipanayam ang mananaliksik sa mga matatandang Tayabasin na matagal nang naninirahan sa bayang ito upang makalap at malikom ang mga salitang Tayabasin.