Ang kwalitatibong pananaliksik na ito ay nakatuon lamang sa ponemang segmental ng wikang Taubuid. Naglayong makamit ang mga sumusunod na layunin: una, malaman ang bilang ng ponemang segmental mayroon ang wikang Taubuid ikalawa, mailarawan ang deskripsyon ng bawat ponemang segmental nito; ikatlo, maipaliwanag ang natatanging katangian ng mga ponemang segmental ng wikang Taubuid; at ikaapat, matukoy ang varayti ang makikita sa paraan ng pagbigkas ng wikang Taubuid ayon sa edad. Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng disenyong pagsusuring palarawan. Isinagawa ito sa pamamagitan ng pakikipamuhay o imersyon sa komunidad ng mga katutubong Taubuid sa loob ng sampung araw sa Tamisan, Poypoy, Calintaan. Ang instrumentong ginamit ay purposive sampling sa pakikipanayam, pagtatala ng mga obserbasyon, pakikipagsalamuha at pagrerekord ng audio at video. Sa pagsusuri, sinunod ang klasikal na paraan ng paglalarawan ng mga ponema at ayon rin sa Distinctive Feature Theory nina Jakobson at ang Speech Accommodation Theory nina Giles (1979) para sa varayti ng wika. Napag-alamang may 21 ponema ang wikang Taubuid, anim na patinig at labinlimang (15) katinig. Natuklasan din ang wikang ito ay may tunog na /f/ ngunit walang tunog na /h/ o glottal, bukod dito na may natatanging taglay na kambal katinig na na gs,gf, at gt na hindi karaniwan sa wikang Filipino. Natukoy rin ang varayti ng wikang Taubuid sa paraan ng pagbigkas sa ikatlong kapanahunan na may edad 29 pababa na kinabibilangan ng mga kabataang katutubong Taobuid, kung saan nawawala ang tunog /ë/ ay nagiging tunog na /u/, gayundin ang mga kambal-katinig na /gs/,/gf/, at /gt/ na nagiging /ks/,/kf/, at /kt/ sa kasalukuyan.