Gamit ang Dynamic Translation ni Eugene Nida at Meaning-based Translation ni Mildred Larson, sinuri ng papel ang inilathalang Pinoy Version New Testament (PVNT) ng Philippine Bible Society. Tumutok ang pananaliksik sa (1) pagtalakay sa mahahalagang konsiderasyong isinaalang-alang sa pagsasalin ng PVNT; (2) pagsusuri sa kawastuan, kasapatan, at pagiging natural ng salin; at (3) pagsipat sa reaksyon at pagtanggap ng mga kabataan, ang itinuturing na pangunahing target na mambabasa ng ginawang salin. Sa huli, nagkaroon ng pagtitimbang ang papel sa katapatan at/o kaangkupan ng naging salin. Inilatag din ang mga katanungan at isyung nakita ng pananaliksik sa naging pagsasalin sa PVNT.