Taong 2002 ang unang edisyon ng Internet Research Method (IRM) nina Hewson, Vogel at Laurent kung saan kasama pa nila si Peter Yule. Kilala sa internet research method ang mga may akda; si Hewson ang isa sa mga nangungunang tagapagsulong ng ganitong pananaliksik lalo sa kanyang larangan sa sikolohiya sa The Open University, samantalang sina Vogel ng University of Dublin na director ng Center of Computing and Language Studies at Laurent ng Southeastern Louisiana University ay gumagamit ng mga datos mula sa internet at kinakasangkapan ang internet sa pananaliksik. Matapos ang higit isang dekada inilabas ang ikalawang edisyon ng IRM upang lalong bigyang-linaw ang makabagong pamamaraan ng internet mediated research (IMR). Ilan sa mahahalagang ambag ng aklat ang napapanahon at bagong kaalaman sa paggamit ng internet sa pananaliksik lalo at mabilis ang pagunlad ng teknolohiya at kabi-kabila ang mga bagong sulpot na website, social media platform at iba pa. Gayundin, isa pa sa mahalagang tinalakay sa aklat ang usapin ng etika sa pananaliksik sa internet. Mayaman din sa pagbibigay-halimbawa ng mga nalathalang IMR sa larangan ng social at behavioural sciences sa ikalawang edisyon na siyang magandang sipatin kung paano isinasagawa ang IMR.