Ibinabahagi at tinatanggap ang tábang. Ang salitang tábang na binibigkas nang malumanay ay salitang Cebuano na nangangahulugang tulong. Sa pamamagitan ng social media partikular na ang Facebook bilang pangunahing pinagmulan ng impormasyon, natukoy ng mananaliksik ang tatlong indibidwal na nagbahagi ng tabang sa kapwa at lipunang kinabibilangan nitong panahon ng pandemya dulot ng Corona Virus Disease (COVID)-19. Sila ay mga kaibigan sa Facebook at kapwa Trinitarian o kapwa alumni ng mananaliksik sa Holy Trinity College of General Santos City (HTC-GSC). Kung kaya, layunin ng papel na ito na ilarawan ang tatlong Trinitarian, ang kanilang motibasyon sa pagtabang at ang danas sa pagbahagi ng tabang sa panahon ng krisis. Sinipat din ng mananaliksik bilang tagaloob o gradweyt ng HTC-GSC at dating opisyal ng HTC-GSC Alumni Association kung paano isinabuhay ng mga kalahok ng pag-aaral ang tatak-Trinitarian. Ang papel na ito ay maaaring ambag ng mananaliksik sa Sintang Kolehiyo lalo na sa pagpapaigting ng pagtuturo at pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang tatak-Trinitarian.