Nararapat lang na taglay ng isang guro ang malalim na kaalaman sa mga teoryang panggramatika at pangwika na iaangkop o ilalapat sa mga paksang kanyang ituturo. Ang papel na ito ay naglalayong ilahad at dalumatin ang ilang mga teoryang panggramatika at pangwika upang maging saligan o salalayan sa pagtuturo ng wikang Filipino sa larang ng gramatika at wika. Ang mga teoryang referens na gramatika, pedagohikal na gramatika, case grammar, immediate constituents, transformational grammar, at gramatika bilang produkto, proseso, at kasanayan ay inilahad hinggil sa mga teoryang panggramatika. Sa huling bahagi naman ay ang pagdalumat sa mga teoryang pangwika. Ang desisyong ng guro hinggil sa pamamaraang pipiliin sa pagtuturo ay ginagabayan ng kaniyang paniniwala tungkol sa wika at gramatika at pagkatuto ng wika at gramatika; teorya ang tawag sa set ng mga paniniwalang ito. Maraming teorya o pananaw ang isinusulong kaugnay ng pagtuturo ng wika at gramatika. Malaki ang naging ambag ng mga ito bilang batayan sa pagsubok ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo. Ayon kay Espiritu (2003), kahit ano pang pamamaraan ang gamitin ng guro, ang mahalaga ay ang pagpokus hindi lamang sa gramatika ng wika kundi sa gamit ng wika sa komunikasyon at ang paglinang ng mag-aaral na mahusay na komunikeytor sa Filipino; na umaalinsunod din sa paniniwala ni Chomsky (1957). Samakatuwid, para sa mga guro na naghahangad at nagsusulong ng mabisang pagtuturo ng Filipino, malaki ang maitutulong sa pag-alam ng mga batayang teorya sa wika at gramatika at ang paglalapat nito sa kaniyang pagtuturo.