Paunang pasilip ang papel sa potensyal ng wikang Filipino sa larangan ng marketing sa Pilipinas. Kakabit nito ang paniniwalang dapat na mapaunlad ang naturang wika sa iba’t ibang disiplina upang makatulong sa pag-unlad ng wikang pambansa sa kabuuan. Upang masuri ang layunin ng riserts, nangalap ang mananaliksik ng mga literature review upang matuklasan ang naging ebolusyon ng marketing sa kasalukuyan, na nagpatibay ng kahalagahan ng mga pag-aaral sa larangan. Hinimay din ang mga pangakademikong pananaliksik at aklat sa Pilipinas. Napag-alamang bukod sa maunti lamang ang nakalimbag sa wikang Filipino, ay maunti rin ang nasasalikop na iskolarling pag-aaral sa marketing sa bansa. Walong (8) praktisyoner din sa larangan ang naimbitahang magbigay ng kanilang opinyon ukol sa potensyal na pagpapayabong ng wikang Filipino sa kanilang disiplina—mula sa kanilang komunikasyong internal, organisasyong namamahala, at sa kinabukasan ng marketing. Karamihan sa kanila ang naniniwalang may puwang pa rin ang wikang pambansa sa pag-akit sa masa ng produktong ibebenta, paggawa ng makabuluhang kampanya, pagsunod nang maayos sa mga panuntunan ng mga ahensiya sa marketing, at pagkatuto ng mga susunod na praktisyoner ng bansa. Sa kabuuan, kinilala ng papel ang kabuuang potensyal ng wikang Filipino na kaakibat sa maka-Pilipinong pagyakap sa mga masang mamimili.