Reynold D. Agnes | Edwin S. Martin
Siniyasat ng pag-aaral na ito ang mga lihim na pakikipagtunggali ng mga sidewalk vendor sa mga ipinatupad na polisiya ng lungsod ng Maynila sa sidewalk vending sa gitna ng penomenong neoliberal na urbanismo. Natuklasan sa pag-aaral na ang mga sidewalk vendors ay hindi lamang nakikipagtunggali para sa espayo sa lungsod subalit gayundin sa pagnanais na manatili bilang isang komunidad na may marangal na pamumuhay sa neoliberal na lokalidad. Layunin ng pagaaral na ito na matuklasan ang ugat ng pananatili ng mga street vendors sa Maynila gayundin ang pagtukoy ng kanilang lihim na pakikipagtunggali, mga dahilan at paraan ng pakikipagtunggali, at ang kanilang patuloy na pananatili sa kabila ng neoliberal na gahum at polisiyang elit. Ang mga layuning ito ay sinagot sa pamamagitan ng pag-aanalisa ng mga karanasan sa kalye ng mga sidewalk vendors gamit ang kwalitatibong metodo sa pamamagitan ng pakikipagpanayam sa iba’t ibang grupo ng mga sidewalk vendors, mga lokal na opisyal ng lungsod Maynila at gayundin ng mga kaugnay na dokumento tulad ng ordinansa, resolusyon at executive orders. Lumabas sa pag-aaral na ang mga sidewalk vendors ay nananatiling namumuhay sa mga daan bunga ng mahinang implementasyon ng batas sa sidewalk vending. Natuklasan din ang pagkakaroon ng magkaibang pananaw sa pagitan ng mga sidewalk vendors na naniniwalang sila ay namumuhay ng desente sa kalye laban sa mga awtoridad na mayroong neoliberal na mentalidad. Natuklasan din na ang dahilan ng lihim na pakikipagtunggali ng mga street vendors ay nakabatay sa paniniwalang sila ay nabubuhay nang marangal sa mga daan. Samantala, ang kanilang mabisa at lihim na pakikipagtunggali ay nakatulong din upang mabawasan ang epekto ng paglilinis ng kalye sa Maynila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ito rin ang nagbigay paliwanag sa dahilan ng kanilang pananatili sa mga daan. Nirerekomenda ng pag-aaral na muling bisitahin ang kasalukuyang polisiya na ipinatupad para mga street vendors at hikayatin din silang sa pagbuo ng pangmatagalang solusyon sa suliraning ito.